Paggamit ng Hybrid Rice Seeds at Bio-Fertilizers isinulong ng DA-4A Rice Program
Aabot sa mahigit walong daang (800) magpapalay mula sa ibat-ibang bayan sa Laguna at Quezon ang dumalo sa isinagawang Hybrid Rice and Fertilizer Derby na pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program noong ika-2 hanggang ika-4 ng Abril, 2025 sa Pila, Laguna.
Dito ay isinulong ng DA-4A ang paggamit ng Hybrid Rice Seeds at Bio-Fertilizers sa mga magpapalay para sa mas mataas na ani na may mas mababang gastos sa produksyon habang napapanatili o napapaganda ang kondisyon ng lupa.
Tampok sa naturang derby ang pagpapakilala at pagbibida sa apatnapung (40) produkto mula sa dalawampu’t apat (24) na kumpanya ng binhi, abono, at pestisidyo. Ang mga datos na makakalap sa naturang aktibidad ang magiging basehan ng programa ng mga interbensyon ipapamahagi sa mga magpapalay ng rehiyon.
Ayon kay DA-4A Regional Executive Director Fidel L. Libao, mahalaga ang mga ganitong aktibidad upang makilala ng mga magpapalay ang mga bagong teknolohiyang makakatulong upang mapataas ang kanilang ani sa mas mababang halaga ng produksyon. Aniya, kahit mababa ang kasalukuyang presyo ng palay, kung tataas naman ang ani ay mababawi din bahagya ito.
Samantala, ibinahagi naman ni Gng. Nimfa Pegera, isang magpapalay ng Pagbilao, Quezon, ang kanyang obserbasyon sa nabanggit na derby. Napansin niya ang magandang epekto ng paggamit ng hybrid seeds at bio-fertilizers sa mga palayan. Aniya, ito ay kanyang susubukan at mag-eenganyo ng iba pang kasamahan. ######