Pagkilala sa anim na natatanging AEW at corn cluster
Kinilala ni Regional Director Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON ang anim na natatanging agricultural extension worker (AEWs) at isang natatanging corn cluster sa pagtatapos ng isinagawang “2018 Year-End Assessment of Regional Corn and Cassava Program and Stakeholders’ Forum” noong Disyembre 7, 2018 sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) sa Maraouy, Lipa City, Batangas.
Ang pagkakaloob ng mga sertipiko ng pagkilala ay pinangunahan ni Avelita M. Rosales, Coordinator ng Corn and Cassava Program, at Superintendent ng LARES.
Ang mga kinilalang AEW ay sina Sally G. Quilay ng Calamba City; Flora B. Andal at Emma P. Agdon ng Batangas City; Aldrin E. Pagcaliwangan ng Lipa City; William R. Lopez, Jr. ng Guinayangan; at Engelberto T. Caliwara ng Lucena City. Ang Calamba Upland Farmers’ Multi-Purpose Cooperative (CUFAMCO) ng Calamba City ay kinilala naman bilang natatanging corn cluster. Sina Quilay at Caliwara, at ang CUFAMCO ay pinarangalan kamakailan sa ika-14 na Philippine National Corn Congress na ginanap sa Davao City.
Pinagkalooban din ng sertipiko si Cristina Goma ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Laguna dahil sa kaniyang mga nagawa sa pagpapatupad ng mga programa sa pagmamaisan at balinghoy sa rehiyon.
Sa maghapong aktibidad ay pinag-usapan ang mga programa at proyektong isinakatuparan ng corn at cassava program sa tulong ng mga lokal na pamahalaan ng CALABARZON. Tinukoy din ang mga pangangailangan ng mga magsasaka ng mais at balinghoy, at mga ayuda ng Kagawaran sa kanila para sa susunod na taon.
Binigyang-diin din dito ang pagbibigay ng pansin hindi lamang sa produksyon kundi sa kalidad din ng mais at balinghoy na malaki ang naitutulong sa paghahayupan sa rehiyon; dami ng kailangang mais ng mga feed miller; at ang patuloy na pagtatanim ng mais dahil na rin sa malaki ang potensyal nito sa merkado.
Ang mahigit 150 teknisyan, magsasaka, at stakeholder na dumalo ay lubos na nagpasalamat sa mga ayudang tinanggap nila mula sa Kagawaran. ###NRB