Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Upang mas matulungan sa kanilang produksyon ng mangga ang mahigit na 80 magtatanim nito sa CALABARZON, isang pagsasanay tungkol sa “Technology Demonstration on Rehabilitation of Existing Old Mango Trees” ang isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) noong Oktubre 17-18, 2018 sa lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon.
Ang naging tagapagturo sa dalawang araw na pag-aaral ay si Godofredo A. Peralta, Technical Services Manager ng Zagro Singapore Pte. Ltd. sa Asia-Pacific Region. Ang mga sumusunod na paksa ang kaniyang tinalakay: postharvest handling ng mangga; cultural management kagaya ng pruning at paglalagay ng tamang abono; ang pamumulaklak at off-season production nito; at ang pangangasiwa ng bulaklak at bunga nito laban sa mga peste at sakit.
Tiniyak naman ni Engr. Redelliza A. Gruezo, Regional HVCDP Coordinator, sa mga nagsipagdalo na ang Kagawaran ay tuluy-tuloy na nagsasagawa ng mga programa at proyekto, at may mga ipinamamahaging makinarya at kagamitan sa pagtatanim, gayundin ng mga abono sa mga kwalipikadong samahan para higit na makatulong sa kanilang produksyon at kita.
Binisita rin nila ang Mangaray Farm, isang techno demo sa Candelaria.
Ang pagsasanay ay dinaluhan din ng mga high value crops focal person ng mga tanggapan ng panlalawigang agrikultor at ng mga agricultural program coordinating office (APCOs).
(Edited by: ARCastro)