Isang birtwal na pagpupulong ang pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) para sa mga Local Government Units (LGU) at Local Price Coordinating Councils (LPCC) ng Batangas at Rizal noong ika-12 ng Agosto.
Isinagawa ito upang talakayin ang mga responsibilidad ng LGU at LPCC na nakapaloob sa Joint Memorandum Circular No. 03, Series of 2020 na nagtatakdang paigtingin ang kanilang tungkulin sa merkado sa pamamagitan ng pagsigurong malimitahan ang pagtaas ng presyo ng mga produkto, partikular ang baboy at manok.
Binigyang-diin ni OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas ang kahalagahan ng aktibidad bilang pagtugon sa nais ng kagawaran na tutukan ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng mga pangunahing commodity alinsunod sa direktiba ng kasalukuyang kalihim ng DA, Presidente Ferdinand Marcos Jr.
โIpagpatuloy natin ang aktibong partisipasyon pagdating sa mga ganitong usapin at sama-sama nating tulungan ang bagong administrasyon tungo sa maunlad na ekonomiya,โ dagdag ni RED Bragas.
Hinikayat naman ni OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Marcos Aves, Sr. ang lahat ng LGU at LPCC na magsagawa ng mga konsultasyon sa pagsubaybay sa lagay ng presyuhan sa bawat lalawigan at patuloy na magtatag ng mga programa ukol sa paglilimita ng mga gastos sa produksyon.
Nagpahayag naman ng kani-kanilang opinyon ang mga kawaning bahagi ng lokal na pamahalaan hingil sa pagkakaroon ng suggested retail price (SRP) at price ceiling.
Kasama rin sa pulong sina OIC-RTD for Research, Regulations, and Integrated Laboratories Fidel Libao, Regulatory Division Chief Linda Lucela, Livestock Coordinator Jerome Cuasay, at iba pang kawani ng DA-4A. #### (โ๐ป๐ธ Danica Daluz)