Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Kaugnay ng tuluy-tuloy na pagsasagawa ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON ng mga pagtitipon tungkol sa pamumuhunan sa negosyong pang-agrikultura (agribusiness investment forum), anim naman na samahan ng mga magsasaka na nagtatanim ng saging na saba sa lalawigan ng Quezon ang nabigyan ng dagdag na impormasyon at kaalaman sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan, noong Hulyo 26 at 27, 2018 sa lungsod ng Lucena.
Sila ay ang Candelaria Banana Growers’ Association, Sampaloc Banana Growers and Processors’ Association, Sariaya Banana Growers’ Association, San Francisco Banana Growers’ Association, Guinayangan Banana Growers’ Association, at Gumaca Banana Growers’ Association.
Sinabi ni Editha M. Salvosa, Hepe ng AMAD, na ang ganitong pagtitipon ay isang magandang pagkakataon para sa mga stakeholder [na tulad ng mga nagsipagdalo] mula sa banana production and distribution chain na magkakila-kilala at magkaroon ng pag-uusap kung paano nila higit na matutulungan ang isa’t isa na magbenta, bumili, at kumita upang mapalago anya ang industriya ng saging na saba sa rehiyon.
Dito ay tinalakay ang kalagayan ng saging na saba sa rehiyon gayundin ang mga programa, proyekto, at aktibidad ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran; value chain analysis (VCA) para sa saging, at mga oportunidad at programa batay sa provincial commodity investment plan (PCIP) ng saging sa rehiyon; Philippine National Standards (PNS) para sa saging na saba at PNS Code of Good Agricultural Practices (GAP) para sa produksyon ng saging; postharvest handling and practices para sa saging na saba; mga programa sa pautang para sa mga nagtatanim at nagtitinda ng saging na saba; at business and marketing opportunities para sa saging.
Nakiisa rin sa naturang aktibidad ang Pearl Foods International, Inc. ng San Pablo City, Laguna at Sunlight Foods Corp. ng Parang Marikina, na kapwa gumagawa ng sweet preserves at nagsabi ng kanilang pangangailangan sa saging na saba at interes na bilhan nito ang mga nasabing samahan ng mga magsasaka na nagtatanim ng saging na saba.