Tatlong clusters mula sa bayan ng Sariaya ang patuloy na pinapalakas ng programa ng #DACalabarzon na Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) sa pamamagitan ng isinagawang Cluster Development Plan (CDP) Enhancement Writeshop na sinimulan noong Marso 5, 2024 sa Sariaya, Quezon.
Layon ng F2C2 program na pagsama-samahin ang mga samahang may magkakatulad na produkto upang bumuo ng cluster para palakasin ang kanilang kapasidad kasabay ng pagpapaunlad ng kanilang produksyon at kita. Nakapaloob dito ang pagbalangkas ng CDP na limang taong plano ng isang cluster na maglalaman ng mga pangunahing impormasyon katulad ng pagkakakilanlan, kalagayan, at mga pangangailangan na siyang tinitingnan at magsisilbing batayan ng Kagawaran sa pagkakaloob ng interbensyon at serbisyo.
Patuloy ang implementasyon ng programa sa paghasa at paghubog sa kasanayan ng mga Agricultural Extension Workers ng Sariaya at Cluster Officers ng Sariaya Farmers Federation (SaFaFed), High Value Crops of Sariaya, at Sariaya Corn Farmers Association (SaCoFA) sa pagbalangkas nito.
Tinalakay dito ang mga paraan na makakatulong sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng CDP ng mga clusters. Kabilang dito ang paggamit ng Enterprise Assessment (EA) tools, Plotting of EA Results in Preparing the SWOT Analysis, at Formulation of the Capacity Development Plan.
Ayon kay G. Bart Biagtan, magsasakang kasapi sa SaCoFA, magandang paraan ang aktibidad dahil hindi lang itinuturo sa kanila ang mga dapat gawin gayundin kung paano ang implementasyon ng mga ito. Kaya naman hinihikayat niya ang kapwa magsasaka na magkaroon ng bukas na pag-iisip upang maging mas epektibo sa pagmamahala ng kanilang cluster.
Katuwang ng DACalabarzon F2C2 program ang National F2C2 team at Asian Development Bank sa pamamagitan ng Pacific Rim Innovation and Management Exponents, Inc. (PRIMEX) team sa pagbibigay ng teknikal na gabay at suporta. Ipepresenta ng mga clusters ang kanilang mas pinaganda at pinalakas na CDP sa pagtatapos ng aktibidad sa ika- 7 ng Marso at inaasahan ang pagsasapinal nito.