Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Dinaluhan ng mga nasa industriya ng mangga ang “Stakeholders’ Consultation cum Planning Workshop” na isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON noong Setyembre 24-25, 2018 sa Lucena City, Quezon.
Ito ay naglalayong matulungan ang mga magsasaka ng mangga na makaahon sa nararanasang pagbaba ng produksyon at kita nila sa rehiyon.
“Kailangang bigyan din natin ng pansin ang mga magtatanim ng mangga na karamihan ay gusto ring ulingin ang kanilang malalaking puno dahil sa mahal ng gastusin sa input at labor,” sinabi ni Engr. Redelliza A. Gruezo, Regional High Value Crops Development Program Coordinator.
Ang workshop ay dinaluhan ng mahigit sa 70 mga teknisyan, mga magsasaka, nangungontrata at mamimili, at samahan ng mga magmamangga ng CALABARZON.
Samantala, ayon kay Cecille Marie C. Manzanilla, Regional Crop Protection Center (RCPC) Chief, ang isa ring dahilan ng mababang produksyon ng mangga ay ang peste na dumadapo sa mangga – ang kurikong na ang sanhi ay cecid flies. Binigyang-diin din niya na, “Ang pinakamahusay pa ring paraan sa pagpuksa sa mga peste at sakit ng mangga ay ang pagpapatupad ng kalinisan sa bukid bukod sa pag-spray dito ng lason.”
Napag-usapan din sa naturang aktibidad ang rehabilitasyon at rejuvenation ng mga matatandang puno ng mangga; at pagkakaloob ng mga ayudang pamatay-peste at sakit, organiko at ‘di organikong fertilizer, dekalidad na mga pananim, processing equipment, at power sprayer sa susunod na taon (2019).
Tinalakay din sa workshop ang value chain analysis para sa mangga, mga pag-aaral patungkol sa mangga; produksyon ng mangga sa CALABARZON ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA); mga programa sa pautang ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), Development Bank of the Philippines (DBP), Land Bank of the Philippines (LBP), Department of Labor and Employment (DOLE), at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC); at market opportunities na tinalakay ni Lucy Mayor ng Tanauan City, Batangas na isang miyembro ng Rural Improvement Club sa kanilang lugar at gumagawa ng Thuhie’s Best Home-made Mango Jam gamit ang Indian Mango.