Isang porum tungkol sa Agribusiness Investment para sa mga agripreneurs ang isinagawa ng Department of Agriculture IV- Calabarzon noong Abril 11-12, 2024 sa Cavite.
Pinangasiwaan ang aktibidad ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) upang maasistehan ang mga pinuno at myembro ng labingpitong kalahok na Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) at Young Farmers Challenge (YFC) Program Awardees sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng kanilang mga samahan sa aspeto ng pagnenegosyo.
Binigyang diin ni AMAD Chief Editha Salvosa na ang porum ay isang paraan ng ahensya upang makatulong na maging mas maayos pa ang pamamahala ng kanilang negosyo.
Ang dalawang araw na aktibidad ay nakatuon sa pagtalakay sa mga programa at proyekto ng Kagawaran at mga katuwang na ahensya na layong tumugon sa kanilang mga pangangailangan batay sa estado at kalagayan ng kanilang mga samahan.
Naging tagapagsalita ang mga representante mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, Department of Science and Technology, Agricultural Credit Policy Council, Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Department of Trade and Industry- Small Business Corporation, Philippine Crop Insurance Center, at mga kawani mula sa banner programs ng ahensya.
Nagbahagi rin ng kanilang kwento ng tagumpay ang Cafe Amadeo Development Cooperative at Eggciting Egg Products Manufacturing na nagsilbing ehemplo at inspirasyon sa mga kalahok.
Nagpaabot ng kagalakan si Reden Terible, isa sa mga dumalong YFC awardee sa pagkakataong maibahagi sa kanila ang mga programa ng mga ahensyang maaari nilang lapitan para sa gabay, tulong pinansyal at mga interbensyong tutulong sa kanilang pagnenegosyo.