Nagpulong ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Balik Probinsya Balik Pag-Asa (BP2) program kasama ang project team mula sa Southern Luzon State University (SLSU) ukol sa isinusulong na proyekto para sa pagpapalawak ng produksyon ng ube sa Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) Villages sa San Francisco, Quezon noong ika-26 ng Agosto.

Ang proyekto na “Market Viability and Product Improvement of Ube-based Food Products from Entrepreneurial Engagement in AMIA Villages in San Francisco, Quezon” ay bahagi ng BP2 program na naglalayong malimitahan ang paglipat ng mga mamamayang nakatira sa rural papuntang urban sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang magkaroon ng pangmatagalang pagkakakitaan na pang-agrikultura.

Kabilang sa mga barangay na bumubuo sa AMIA Villages ay ang Casay, Huyon Huyon at Sto. Niño kung saan hangarin ng proyekto na palakasin ang kita at kapasidad ng mga magsasaka roon sa paggawa at pagbebenta ng mga produktong gawa sa ube.

Ilan sa mga tinalakay ay ang planong magkaroon ng pagsasanay sa pagproseso ng mga produktong ube jam at ube pocket pie, at mga estratehiya sa pagbebenta nito sa merkado mula sa usapang produkto, presyo, lugar at promosyon.

Ang pulong ay dinaluhan nina Research Division Chief Eda Dimapilis, Supervising Science Research Specialist at Alternate AMIA Focal Person Aida Luistro, mga kawani mula sa BP2 at AMIA program, at iba pang kawani ng DA-4A. #### (✍🏻📸 Danica Daluz)