Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Anim na samahan ng mga magkakambing sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, at Quezon [Kalayaan Organic Practitioners’ Association, Famy Youth Agripreneur Association, Samahan ng Magsasakang Organiko sa Marilag (Sta. Maria), Seed of Hope Producers’ Cooperative (Balayan), Kaypatag Association of Farmers (Mataas na Kahoy), at Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative (Padre Burgos)] ang dumalo sa pagtitipon tungkol sa pamumuhunan sa negosyong pang-agrikultura para sa kambing (agribusiness investment forum for goat) na isinagawa ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON sa Lady Ester Grand Villa Farm and Resort, Sta. Cruz, Laguna noong Hulyo 19 at 20, 2018.
Ayon kay Editha M. Salvosa, Hepe ng AMAD, layunin ng naturang pagtitipon na pataasin at palakasin ang komersyo pagdating sa pagkakambing sa rehiyon sa pamamagitan ng mga programa sa pautang at may kinalaman sa madali at epektibong pagbebenta ng mga produktong pang-agrikultura na handang ibigay ng pamahalaan lalo na sa mga maliliit na negosyante.
“Ang mga tulad ninyong nasa agribusiness [mga magkakambing] ay may malaking papel sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura kaya dapat na may sapat kayong puhunan, tamang impormasyon at kaalaman sa pagbebenta ng inyong mga produkto, market linkage, at ugnayan sa mga posibleng nagbibigay ng kalidad na serbisyo na maaaring makatulong upang makamit ninyo ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng inyong negosyo,” sinabi ni Salvosa.
At upang maisakatuparan ang nabanggit na layunin ng aktibidad na ito ay tinalakay ang mga paksa patungkol sa kalagayan ng industriya ng kambing sa CALABARZON at mga programa ng Livestock Program ng Kagawaran; Good Animal Husbandry Practices (GAHP) ng Regulatory Division; mga programa sa pautang para sa mga nag-aalaga ng kambing ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), Landbank of the Philippines Laguna Lending Center, at Development Bank of the Philippines; programang pangkasiguraduhan para sa kambing ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC); business and market opportunities of goat ng GRACO Farms and Leisure, Inc.; at goat enterprise management and profitability ng Cagayan Valley Small Ruminants Research Center (CVSRRC).
Nagkaroon din ng pagsasanay sa pagbuo ng konsepto ng pagnenegosyo o pamumuhunan (business/investment concept), at paggawa ng panukala at plano (project proposal at business plan) para sa mga nagsipagdalo sa nasabing aktibidad.