Patuloy ang pananaliksik ng mga kawani ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Lipa Agricultural Research Experiment Station (LARES) upang mapalakas at mapatibay ang kalidad at kakayahan ng mga tradisyunal na binhing mais sa rehiyon sa pamamagitan ng programang Corn Germplasm Utilization Through Advanced Research and Development (CGUARD).

 

Kalakip ng programang CGUARD ang mangolekta, magtabi, magparami at magpabuti ng tradisyunal na barayti ng mais. Ang mga nakolektang binhi ay paglalahi-lahiin upang mapagsama-sama ang mga magagandang katangian at makapagpalabas ng isang panibagong barayti. Taglay ang mga ninanais na katangian, inaasahan na makakatulong ito upang mapataas ang ani at mapalakas o mapabuti ang resistensya ng mga mais laban sa mga peste, sakit at natural na kalamidad.

 

Sa kasalukuyan ang CGUARD team ng DACalabarzon ay nasa ikaapat na yugto na ng programa na kung saan sinisimulan na ang mga proseso ng paglikha ng mas pinabuting barayti ng tradisyunal na mais. Inaasahan sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay makakapaglabas na ang DA-4A ng pinabuting barayti ng mais na maaring irehistro sa National Seed Industry Council (NSIC) ng Bureau of Plant and Industry (BPI) para sa pagkilala sa buong bansa.

 

Ayon kay Dr. Artemio M. Salazar, isang CGUARD Technical Expert, tinawag itong GUARD upang mapangalagaan ang mga katutubong barayti ng mais taglay ang mga magagandang katangian laban sa peste, sakit at natural na kalamidad at ang pagkakaroon nito ng kakaibang lasa. Aniya, tinutulungan nila ang mga magsasaka na mapabuti ang kanilang mga binhi ng hindi inaalis ang magagandang katangian nito nang sa gayon ay mas maging kapakipakinabang.

 

Samantala, bilang isa sa mga kinikilalang nagsasagawa ng programang CGUARD, inirekomenda ni Dr. Salazar ang DACalabarzon upang magbahagi ng kaalaman sa mga kawani ng Baguio Animal Breeding and Research Center (BABRC). Ito ay maari nilang gamitin sa kanilang rehiyon. Katuwang ang LARES, nangyari ito noong ika-12 hanggang ika-13 ng Marso, 2024 sa Lipa City at Nasugbu, Batangas. ### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)