Ang Yumi's Farm na pagmamay-ari ni Gng. Alicia Valdoria

 

Ang Yumi’s Farm na pagmamay-ari ni Gng. Alicia Valdoria at ng kaniyang asawa ay nagsusuplay ng mga organikong gulay, pangunahin ang litsugas (iceberg), sa pamilihang lungsod ng Tayabas at iba pa nilang tagatangkilik. Malaki ang demand sa kanilang ani. Nakakapagbenta sila ng 50 kilo nito halos araw-araw sa 200 piso bawat kilo. Pinagtutuunan ngayon ng kanilang farm ang sistema ng tuluy-tuloy at maramihang produksyon ng litsugas nang matugunan nila ang demand ng ilang mga kainan at mga hotel sa kanilang mga karatig lugar.

Ang tagumpay ng Yumi’s Farm, na higit sa pagsusuplay ng organikong pagkain, ay naging daan sa pagkakabuo ng Ilayang Bukal Organic Farmers’ Association (IBOFA) na tumutulong sa 49 na pamilya na kumita at maghain ng masusustansyang pagkain sa kanilang hapag sa pamamagitan ng organikong pamamaraan. Sa pamumuno ni Gng. Valdoria, iminumulat nila ang mga kabataan o anak ng mga miyembro ng asosasyon sa kahalagahan ng organikong pagsasaka. Tinutulungan din nila silang makapag-aral at umaasang maituloy ang sponsorship para sa mga bata hanggang sa sila ay makapagkolehiyo.

Kinikilala ni Gng. Valdoria at ng kanilang mga kasama ang mga programang ginagawa at suportang ibinibigay ng Kagawaran ng Pagsasaka (i.e., mga kagamitang pangsaka, pagsasanay, at farm inputs) upang makamit nila ang lahat ng bagay na mayroon sila.

Si Gng. Valdoria ay isa lamang sa mga magsasaka rito sa CALABARZON na patuloy na nagpapamalas ng kasipagan at inspirasyon sa kanilang komunidad, at tumutulong na itaguyod ang agrikultura na isa sa mga pinakamahalagang sektor ng ating lipunan, lalo na sa panahong ito.

Ang Mayo ay buwan ng ating mahal na mga magsasaka at mangingisda, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 33. Ipakita natin ang ating mataas na paggalang at pagkilala sa kanila sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga produktong lokal, hindi pag-aaksaya ng pagkain, at pagpapasalamat!

Samahan natin ang ating mga magsasaka at mangingisda tungo sa kanilang mataas na ani at kita!

#calabarzonagri
#farmersourheroes
#fisherfolkourheroes
#farmersfisherfolkmonth2020