Kahit na si G. Gregorio “Ka Gorio” de Guzman ay naharap sa maraming pagsubok sa pagsasaka (tulad ng pagpoprodyus at pagbebenta ng mga dekalidad na gulay, at pagkalugi ng 200 libong piso dahil sa hindi magandang produksyon ng kaniyang tanim na sitaw), hindi siya nawalan ng pag-asa; bagkus ay pinili niyang tumuon sa organikong pamamaraan ng pagtatanim na nagsilbi nilang kabuhayan hanggang ngayon at isang inspirasyon sa kaniyang mga kapwa magsasaka.

Isa si Ka Gorio sa mga magsasaka mula sa kanilang baranggay na nagkaroon ng pagkakataon na maunawaan at matutunan ang iba’t ibang pamamaraan at kasanayan sa organikong pagsasaka. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, pagpupulong, at konsultasyon na isinasagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka, katuwang ang tanggapan ng panlalawigan at ng pambayang agrikultor, natutunan niya kung paano mapabuti ang kalusugan ng lupa, dagdagan ang ani, pagbutihin ang kaligtasan sa sakahan, at mapalakas ang kita.

Ang lupa ni Ka Gorio ay tinatamnan niya ng subok nang barayti ng talong (Morena), sitaw (Negostar), at okra (Smooth Green); at iba pang mga gulay na nabanggit sa katutubong awit na “Bahay Kubo.” Siya, kasama ang iba pang miyembro ng kanilang samahan, ay nag-aalaga rin ng baboy, kalabaw, at baka (integrated farming) na ang mga dumi ay nagsisilbing pataba sa lupa para sa pagpapabuti ng kalidad nito.

Si G. de Guzman ay isa lamang sa mga magsasaka rito sa CALABARZON na patuloy na nagpapamalas ng kasipagan at inspirasyon sa kanilang komunidad, at tumutulong na itaguyod ang agrikultura na isa sa mga pinakamahalagang sektor ng ating lipunan, lalo na sa panahong ito.

Ang Mayo ay buwan ng ating mahal na mga magsasaka at mangingisda, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 33. Ipakita natin ang ating mataas na paggalang at pagkilala sa kanila sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga produktong lokal, hindi pag-aaksaya ng pagkain, at pagpapasalamat!

Samahan natin ang ating mga magsasaka at mangingisda tungo sa kanilang mataas na ani at kita!

#calabarzonagri
#farmersourheroes
#fisherfolkourheroes
#farmersfisherfolkmonth2020