Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Ang Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa pangunguna ng Rice Program ay nagsagawa ng pagpupulong sa mga farmer-producer ng mga bayan ng Binangonan, Morong, at Teresa, at lungsod na Antipolo noong Hulyo 25, 2018 kaugnay ng proyektong Farmer’s Production and Exchange of High-Quality Inbred Rice Seeds (SEEDEX).
Sa kaniyang mensahe ay sinabi ni Engr. Enrique H. Layola, Regional Rice Program Coordinator, na ang proyektong ito ay naglalayong maitaas ang produksyon at kita ng mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawig ng paggamit ng mga kalidad na binhi ng mga angkop na barayti ng inbred sa apat na lalawigan sa CALABARZON, maliban sa Laguna na prayoridad ang produksyon ng hybrid rice. Nagpasalamat din siya sa pamahalaang panlalawigan ng Rizal at sa lokal na pamahalaan ng bawat lugar na nabanggit sa kanilang suporta sa proyekto dahil ang patuloy na ugnayan anya sa kanila ay napakahalaga yamang ang ito ay nakatuon sa mga lugar kung saan ang bilang ng mga seed grower ay kulang.
Sa pagpupulong na ito ay tinuruan silang magpuro ng mga binhi ng palay. Ipinaalam din sa kanila ang mga makukuha nilang ayuda mula sa Kagawaran, at mga alituntunin ng pagiging isang farmer-producer.
Ang isang farmer-producer ay dapat na magaling sa pagpapalayan at miyembro ng isang asosasyon ng mga magsasaka na magaling magpuro. Siya ay magiging farmer-producer sa loob ng tatlong taon. Kailangan niyang umani ng 3,000 kilo o 75 sako ng palay sa isang ektarya na kaniyang itutustos (supply) sa mga cluster (binubuo ng mga bayan o lungsod).
Katuwang ng Kagawaran sa pagsasagawa ng ganitong pulong ang mga miyembro ng regional SEEDEX task force gaya ng Bureau of Plant Industry-National Seed Quality Control Services (BPI-NSQCS), Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, at mga provincial agriculturist.