Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program ng Cacao Industry Stakeholders Consultation noong ika-13 hanggang ika-14 ng Hunyo sa Los Baños, Laguna.
Dinaluhan ito ng 60 magkakakaw at kinatawan ng panlalawigan at lokal na pamahalaan kung saan layon ng aktibidad na mailahad ang kasalukuyang estado ng industriya ng cacao sa rehiyon kalakip ang konsultasyon kung paano ito mas mapapaunlad pa.
Kabilang sa mga tinalakay dito ay ang lagay ng limang taong produksyon ng cacao sa rehiyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), mga gabay sa pagkakaroon ng Philippine Cacao Quality Award (PCQA) mula sa Department of Trade and Industry (DTI), angkop na pagmamanupaktura ng mga produkto mula sa Food and Drugs Authority (FDA), mga dapat isaalang-alang upang makatanggap ng mga proyektong interbensyon mula sa Regional Agricultural Engineering Division (RAED), mga oportunidad sa merkado, at iba pa.
Ayon kay Florencio Flores, lider ng Samahan sa Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan ng Quezon (SICAP Quezon), malaking bagay na ang mga miyembro ng sektor ay hindi nahihiyang magbigay ng suhestiyon sa aktibidad at handang magpasa ng mga proposal upang mas mapaigting ang pagtatanim ng cacao sa mas mahabang panahon.
Pinangunahan ang mga usapin sa nasabing aktibidad nina OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo, Regional Cacao Focal Person Maria Ana Balmes, Agricultural Program Coordinating Officer para sa Laguna Annie Bucu, at iba pang kawani ng Kagawaran. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)