Pagsasanay para sa karagdagang kita ng mga magniniyog, isinagawa ng DA-4A
Lumahok ang mahigit 260 magniniyog sa pagsasanay na isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ukol sa Rehabilitation at Rejuvenation ng mga punong kape at kakaw simula noong ika-1 hanggang ika-14 ng Agosto sa anim na bayan ng probinsya ng Cavite.
Sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), layon ng aktibidad na magbigay ng karagdagang kita sa mga magniniyog at mapataas ang produksyon ng kape at kakaw sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pamamaraan sa muling pagpapasigla ng mga puno, angkop na pagmementena, at pamamahala ng mga peste o sakit nito.
Ang mga kalahok ay mga Magniniyog na benepisyaryo ng CFIDP, rehistrado sa National Coconut Farmers Registry System (NCFRS), at may tanim na kape at kakaw.
Ayon kay Pepito Vislenio, pangulo ng Alfonso Cacao Growers Association, malaking tulong ang pagpapakita mismo sa kanila ng mga dapat gawin gaya ng tamang pagpupruning upang mas mapabuti pa nila ang pagtatanim ng cacao, dumami ang produksyon, at umunlad pa ang kabuhayan.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)