Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng pagsasanay ukol sa produksyon ng soybean noong ika-5 ng Agosto sa LARES Hall, Lipa City, Batangas.
Ang aktibidad ay bahagi ng proyekto ng DA-4A Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) sa ilalim ng Corn Banner Program. Ito ay ang ‘Trial on Integrated Production Technologies’ kung saan nakapaloob ang Varietal Testing, Nutrient Management, Ratooning Efficiency, Integrated Pest Management, at Post-harvest Processing para sa soybean.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga teknikal na kawani ng DA-4A mula sa corn banner program at mga Agricultural Research and Experiment Stations ng rehiyon na inaasahang magpapalaganap ng mga nasabing teknolohiya sa mga magsasaka.
Ang soybean ay isang uri ng pananim na nagbibigay ng mataas na protina at carbohydrates. Ito ay maaring gamitin sa pagproseso ng taho, tokwa, at soymilk. Pwede rin itong gawing sangkap sa paggawa ng pakain sa hayop. #### ( Danica Daluz)