Sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Halal Program katuwang ang
National Meat Inspection Service (NMIS) at City Veterinary Office ng Tanauan, Batangas, isinagawa ang pagsasanay sa pagtatatag ng Halal Meatshop noong ika-16 hanggang ika-17 ng Agosto, 2023 sa Argosino Hall, LARES Compound, Lipa City, Batangas.
Ito ay dinaluhan ng tatlumpong kalahok mula sa City Cooperative and Livelihood Development Office, City Veterinary Office, Meat Shop Owners, Parenthood Marketing Association, Barangay Animal Health Workers, at Muslim Community ng Tanauan City, Batangas.
Ayon kay DA-4A Halal Program Coordinator Zara, sa tumataas na demand ng halal na karne at sa lumalaking populasyon ng mga kapatid na Muslim, ang pagtatag ng Halal meatshop ay makakatulong
upang magkaroon ng madaling akses ang mga mamimili sa Halal certified na karne. Aniya sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, ang mga nagnanais na magsisimula ng meatshop ay magkakaroon
ng kamalayan sa mga dokumento at establisyimento na kinakailangan.
Unang tinalakay sa pagsasanay na ito ang mga batas o legal na basehan kung bakit kinakailangan ng lisensya o permit sa pagtatayo ng isang meat establishment. Nagbigay ang tagapagsanay mula sa NMIS
ng mga listahan ng mga kinakailangan na dokumento, mga kagamitan at anyo ng establisyimento upang marehistro at makakuha ng akreditasyon mula sa ahensiya nang sa gayon ay mabigyan sila ng lisensiya.
Ang mga meat establishments na maaring irehistro at ihingi ng akreditasyon ay ang Slaughterhouse, Poultry Dressing Plant, Meat Cutting Plant, Meat Distribution Center or Depot at Meat Cold Storage Warehouse. Bawat isang establisiyimento ay may kanya-kanyang kinakailangang dokumento tulad halimbawa ng business permit, floor plan at iba pa. Mayroon din kinakailangang istraktural na dapat
sundin tulad ng pisikal na istraktura, mga kagamitan at pasilidad.
Biinigyan diin din ng kawani mula sa NMIS ang mga angkop na paraan at mga batas sa paghawak at paglipat ng karne mula sa katayan hanggang sa pamilihan nang sa gayon ay mapanitili ang kalinisan.
Ibinahagi naman ni Dr. Aries Garcia, City Veterinarian ng Tanauan City, Batangas, ang mga basic requirements ng lokal na pamahalaan sa pagtatatag ng meatshop at mga responsibilidad bilang isang meat traders. Ipinakita din niya ang ibat ibang klase ng parte at gayat ng karne na depende sa pangangailangan.
Samantala, nagbigay din ng inpormasyon ang kawani ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ukol sa mga istratehiya at mga dapat isalang-alang sa pagbebenta ng sariling produkto.