Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng pagsasanay sa Halal na produksyon ng kambing noong ika-2 hanggang ika-3 ng Agosto 2023, sa Organic Agriculture Research and Development Center (OARDC) Conference Hall, Lipa City Batangas.
Ito ay dinaluhan ng 35 na kalahok mula sa Talaga Water Service Cooperative, Office of the City Veterinarian, Barangay Animal Health Workers, Farm owners, City Cooperative and Livelihood Development Office at Muslim Community sa Tanauan City, Batangas.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga mahahalagang gawain sa produksyon ng kambing tulad ng tamang pagpili ng lahi, pagpapalahi, pabahay, pagkain at nutrisyon, paghahanda ng pastulan, at pamamahala ng kalusugan ng mga alaga. Pinag-usapan din ang kasalukuyan kalagayan ng industriya ng kambing at mga oportunidad dito. Binigyan diin sa naturang pagsasanay ang pagsunod sa Philippine National Standards (PNS) sa produksyon ng kambing at ang pagpapatupad ng Good Animal Husbandry Practices (GAHP).
Ayon kay Gng. Marjorie Sepina, DA-4A Senior Science Research Specialist, patuloy ang pagbaba ng produksyon ng kambing sa ating bansa habang patuloy na tumataas naman ang demand dito. Aniya, sa pamamagitan ng pagsasanay na ito ay matutulungan ang mga magkakambing na mapalakas ang kanilang produksyon.
Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng DA-4A Halal Program.