Isinulat ni Cristy Tolentino
Mga Larawan, Kuha ni Bryan Arcilla
Nag-umpisa noong Hunyo 14 ang walong araw na pag-aaral ukol sa paggawa ng organikong pataba sa EV Sanchez Farm sa Jalajala, Rizal.
Ang pagsasanay ng may 30 mag-aaral sa nasabing lugar ay isang programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa pakikipagtulungan sa EV Sanchez Farm na isa sa mga accredited farm nito.
Dumalo sa unang araw ng pagsasanay ang kinatawan ng TESDA na si Ma. Ingrid D. Sanga na nagpaliwanag ng hinggil sa naturang programa. Hinikayat din niya ang mga mag-aaral na maging seryoso sa kanilang pagsasanay upang magamit nila ang lahat ng kanilang matututunan sa pagbalik nila sa kani-kanilang lugar.
Naroon din upang sumuporta sa EV Sanchez Farm at TESDA ang Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Rizal na si Maria S. Cribe at Regional Information Officer ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON na si Patria T. Bulanhagui.
Sa loob ng walong araw, ang may-ari ng farm na si Edna V. Sanchez ang magiging gabay at tagapagturo ng mga piling mag-aaral.
Sa Hunyo 29, ang lahat ng magsisipagtapos ay mabibigyan ng National Certificate (NC) II on Organic Agriculture Production.