Sa pangunguna ng Research Division ng Department of Agriculture IV- Calabarzon (DA-4A), isinagawa ang isang pagsasanay sa pagbuo ng isang pang-merkadong pananaliksik o market research para sa mga mananaliksik ng dibisyon at kawani ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-16 hanggang ika-17 ng Abril, 2024 sa Lipa City, Batangas.
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kapasidad ng mga mananaliksik at kawani sa pag-asses sa merkado ng isang partikular na produkto kasabay ang pagbuo ng mga estratehiya upang makasabay sa mas malawak na lugar bentahan.
Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng programang Technology Business Incubation (TBI) na kung saan isinusulong ang paggamit ng mga makabagong paraan at
teknolohiya sa pagsisimula, pagbuo at pangangasiwa ng isang bagong negosyo hanggang sa merkado ng produkto. Ninanais ng programa na magkaroon ng mas malawak na merkado ang mga produkto o ani mula sa mga sakahan na gumagamit ng ipinakilalang teknolohiya mula sa kagawaran.
Ayon kay Dr. Dario Huelgas, project leader ng TBI, ang mga teknolohiya sa pagsasaka na ipinakilala nila, patuloy na ginagamit at nakakatulong na sa mga magsasaka ay
nangangailan din ng patuloy na pananaliksik sa larangan ng merkado upang mas mapalawak ang bentahan ng mga aning produkto. Aniya, magiging bahagi din ito upang mas mapataas ang kita ng isang magsasaka.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat sa naturang pagsasanay si Engr. Ethel Venus, Science Research Specialist II at kinatawan ng Lipa Agricultural Experiment Station (LARES). Aniya, gamit ang mga itinurong makabagong paraan at teknolohiya ay mapapabilis ang kanilang pagbuo ng isang market research na malaki ang maitutulong sa mga magsasaka sa pagpapalawak ng merkado ng kanilang mga produkto. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)