Lumahok ang 25 representante ng lokal na pamahalaan at mga kasamang Farmers Cooperatives and Associations (FCA) mula sa walong bayan ng rehiyon sa isinagawang Business Planning Workshop ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).

Ito ay idinaos noong ika-25 hanggang ika-28 ng Hunyo tampok ang mga kalahok mula sa bayan ng Antipolo City, Balete, Binangonan, Calaca, Cardona, Bay, San Pablo City, at Sto. Tomas
City.

Ito ay upang ihanda sila sa paggawa ng Project Proposal para sa kani-kanilang negosyo kung saan maaari silang maging kabilang sa mga susunod na benepisyaryo ng KADIWA Grant. Ito ay
programa ng Kagawaran na nagbibigay ng suporta sa pagpapaunlad ng negosyo ng mga magsasaka gaya ng tulong-pinansyal.

Binigyang diin sa aktibidad ang mga aspeto sa pagpapatakbo ng negosyo, mga hakbang sa pagbebenta ng produkto at pamamahala ng organisasyon at usaping pinansyal. Sa ika-apat na araw ay dumako ang mga kalahok sa presentasyon ng kanilang mga plano at gawain na inaasahang dadaan sa pagsusuri at ebalwasyon ng Kagawaran bago maaprubahan.

Ayon kay Lualhati Debil mula sa San Pablo City, ikinagagalak niyang makadalo sa aktibidad na nakatutok sa ikabubuti pa ng hanapbuhay ng mga magsasaka. Aniya, sa tulong ng pagsasaayos ng kanilang business plan lalo na sa pinansyal na bahagi ay mas naging malinaw ang direksyon ng kanilang negosyo sa pagpipinya at pagniniyog. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)