Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Sa hangaring mas matulungang magbenta o magtustos (supply) ng kanilang mga ani o produkto ang mga magkakape sa lalawigan ng Cavite, ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng CALABARZON sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ay nagsagawa ng market matching para sa kape noong Hulyo 18, 2018 sa lungsod ng Trece Martires.
Sinabi ni Eda F. Dimapilis, Agricultural Program Coordinating Officer sa Cavite, “patuloy ang pagnanais at pagtulong ng Kagawaran na maitaguyod ang kape ng lalawigan sa merkado dahil kapansin-pansin na marami sa mga establisyimento, hindi lamang dito sa lungsod (Trece Martires), ay nagbebenta o nag-aalok ng kape. Bukod pa rito, ang kape ay may mas natural na lasa at mas maraming benepisyo sa kalusugan nating mga tao.”
Dapat din anyang mas magsumikap at may dagdag na kaalaman ang mga magkakape sa Cavite upang makasunod sila sa mga pamantayan na may kinalaman sa kalidad, pagiging ligtas ng pagkain, angkop na teknolohiya, at presyo ng mga produkto at nang sa gayon ay makasabay sa pandaigdigang merkado.
Ang mga samahang nagsipagdalo sa naturang aktibidad ay ang Minantok East Coffee Growers’ Association, Alfonso, Cavite Growers’ Association, Bailen Coffee Growers’ Association, Mahabang Kahoy Farmers’ Association ng Indang, Tupi Coffee Growers’ Association, Baliwag Farmers’ Association ng Magallanes, Mendez Coffee Growers’ Association, at Silang Coffee Growers’ Association. Nakiisa rin ang tatlong kilalang mamimili ng kape sa bansa – CafĂ© Amadeo Development Cooperative, Merlo Agricultural Corporation ng Lipa City, at Holsum Foods, Inc. ng Caloocan City na nagpaabot ng kanilang kagustuhang bumili ng kape sa mga taga-Cavite.