Pagtatatag ng FFEDIS Registration Desks sa Cavite, Isinusulong ng DA-4A

 

 

Pinulong ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), sa pamamagitan ng Agri-Enterprise Registry and Information Section (AERIS), ang mga kinatawan mula sa ilang lokal na pamahalaan sa Cavite kaugnay ng pagpapatupad ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS) Registration Desk. Isinagawa ito noong ika-27 ng Hunyo sa Tagaytay City, Cavite.

Layon ng aktibidad na palawakin ang partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng enterprise registry ng mga magsasaka at mangingisda. Sa pamamagitan ng isinagawang oryentasyon, ipinaliwanag ang layunin, proseso, at kahalagahan ng pagtatatag ng FFEDIS Registration Desks o mga data capture centers sa mga LGU upang matiyak ang mas maayos na pangangalap ng impormasyon.

Ang FFEDIS ay isang web-based na sistema ng impormasyon na dinisenyo upang suportahan ang pamahalaan sa pagbuo ng mga polisiya, plano, at programang tumutugon sa pagpapaunlad ng mga agri-fishery enterprise sa bansa.

Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa LGUs ng Alfonso, Amadeo, General Trias, Imus, Tagaytay, at Trece Martires.

Bukod sa pagpapakilala ng FFEDIS, tinalakay rin ang iba’t ibang programa at serbisyo ng AMAD, kabilang ang KADIWA Financial Grant Program. Nagbahagi rin ng kanilang suporta at commitment ang mga kalahok na LGU upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng sistema sa kanilang mga nasasakupan.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)