Idinaos ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program ang kauna-unahang Pineapple Industry Stakeholder Consultation sa rehiyon noong ika-22 hanggang ika-23 ng Mayo sa Development Academy of the Philippines, Tagaytay City, Cavite.

Dinaluhan ito ng 60 magpipinya at kinatawan ng Panlalawigan at lokal na pamahalaan kung saan layon ng aktibidad na sila ay tipunin upang ilahad ang pangkalahatang estado ng produksyon ng pinya at mabalangkas ang mga datos na magiging gabay sa produksyon.

Sa unang araw ay pangunahing tinalakay ang mga pamamaraan sa pamamahala ng peste o sakit sa mga pananim na pinya, mga gabay upang maging akreditado bilang Civil Society Organization, at pagpapalakas ng programang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2).

Ayon kay Lualhati Debil, miyembro ng San Pablo City Pineapple Farmers Entrepreneur Association (SPCPFEA), malaking bagay ang kanyang mga natutunan hindi lamang sa mga tagapagsalita kundi pati na rin sa mga kapwa magsasaka lalo na sa pagkokontrol ng peste ng pinya.

 

Samantala, nagpatuloy ang ikalawang araw ng aktibidad sa diskusyon ng market matching ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) kung saan iniugnay ang mga magsasaka sa isang potensyal na institusyunal na mamimili, ang Mayani Inc.

Pinangunahan ang mga usapin sa nasabing aktibidad nina OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo, Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) at Farmer-Director Flordeliza Maleon, Regional Industrial Crops Focal Person Maria Ana Balmes, Regional Pineapple Focal Person Girlie Aure, at iba pang kawani ng Kagawaran. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)