Upang patuloy na maghatid ng impormasyon tungkol sa mga programa at serbisyong pang-agrikultura sa malalayong parte ng rehiyon, nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng ‘Huntahan sa Kanayunan’ noong ika-11 ng Nobyembre, sa Brgy. Puray, Rodriguez, Rizal.

Aabot sa animnapung (60) magsasaka ang nagsipagdalo at nakibahagi sa naturang aktibidad na pinangunahan ng DA-4A Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) na naglalayong mailapit ang tanggapan at makahuntahan at alalayan ang mga magsasaka sa pagpapaunlad ng kanilang pagsasaka.

Binigyang diin sa aktibidad ang mandato ng DA, kahalagahan ng pagiging rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ng pagiging miyembro sa isang lehitimong samahan, at ang iba’t ibang mga interbensyong ibinanahagi ng ahensya.

Tinalakay ni Gng. Cynthia Leycano ng Lipa Agricultural Research and Experiment Station ang Cassava Processing, habang ibinahagi ni G. Rusty Leyson ang pangunahing programa sa paghahayupan at pag-aalaga ng native chicken at kambing.

Nagkaroon din ng RSBSA registration at ng Farmers’ Forum na nagbigay daan upang masagot ang mga tanong ukol sa pamamaraan sa pagsasaka at maipahatid ang mga naisin at suwestyon ng mga magsasaka.

Aabot sa 200 na magsasaka ng Rodriguez ang natulungang makapag fill-out o makapagparehistro sa RSBSA.

Bilang rehistrado sa RSBSA, ang isang magsasaka ay maaaring makakuha ng iba’t-ibang suporta mula sa Kagawaran gaya ng libreng binhi, pataba, seguro, at mapasali sa mga programa gaya ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance, Fuel Discount Program, at marami pang iba. Para magparehistro, maaaring magtungo sa inyong City o Municipal Agriculturist Office.

“Isa pong karangalan na mapili at mabisita ng DA-4A ang mga magsasaka ng aming bayan. Napakalaking tulong po nito upang mapalawig ang agrikultura na siyang pangunahing hanap buhay ng Brgy. Puray na hindi ganoon kadaling mapuntahan. Sinisiguro ko po na magiging tulay ang aming tanggapan upang masolusyunan ang kahilingan at pangangailangan ng aming sektor kasama ang DA-4A,” ani Municipal Agriculturist Zenaida Cruz. #### (✍🏻: Jayvee Amir P. Ergino;  📸: Bogs de Chavez)