Parangal para sa pinakamahusay na Agricultural Extension Worker ng High-Value Crops sa CALABARZON, isasagawa

 

 

Nagkakahalaga ng PhP20,000 ang matatanggap ng bawat isa sa itatanghal na sampung pinakamahusay na Agricultural Extension Worker (AEW) para sa High-Value Crops Achievers Award (HVCAA) ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A).

Ang AEW ay mga tekniko at kawani ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na katuwang ng DA-4A sa pagkuha ng datos at paghahatid ng iba't ibang programa ng tanggapan sa mga magsasaka. Alinsunod sa Memorandum Circular No. 57, Series of 2023, inaasahan ang pagkilala ng High Value Crops Development Program (HVCDP) sa mahalagang kontribusyon ng mga AEW sa pagiging matagumpay ng implementasyon ng mga programa ng Kagawaran.

Nakatakdang pumili ang DA-4A ng walong AEW mula sa munisipyo o lungsod at dalawa naman mula sa probinsya. Magsisimulang tumanggap ng nominasyon simula ika-1 ng Agosto hanggang ika-15 ng Setyembre. Ayon kay Regional Technical Director for Operations and Extension at HVCDP Focal Person Engr. Redelliza Gruezo, suporta ito ng Kagawaran upang mas maging ganado ang mga kawaning bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at patuloy na masiguro ang seguridad ng gulay, prutas, at iba pang high-value crops.

Para sa iba pang katanungan ukol sa nasabing parangal ay maaaring mag-email sa rafis@calabarzon.da.gov.ph o kaya naman ay mag-mensahe sa Facebook page ng DA-4A: DA-Calabarzon.

#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)