PBBM, pinasinayaan ang grains terminal and trading project ng DA-PRDP at SIDC sa Batangas City
Pinangunahan ni presidenteng Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Sorosoro Ibaba Development Cooperative Grains Terminal and Trading enterprise subproject sa Brgy. Simlong, Batangas City. Ang proyektong ito ay pinondohan sa ilalim ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project ng gobyerno at ng World Bank.
Ang proyektong itong nagkakahalaga ng Php 278,304,617.07, ay may kakayanang mag-imbak ng 12,000 metric tons ng yellow corn grains na gagamitin sa paggawa ng pakain sa mga baboy at manok. Magsisilbi itong pangunahing merkado ng mais na magpapalakas sa produksyon nito at magpapababa sa presyo ng pakain sa baboy at manok, maging karne at itlog.
Sa kanyang mensahe, binigyang papuri ni presidente Marcos Jr. ang pagtutulungan ng SIDC, gobyerno, ng World Bank, at ng pribadong sektor na nagbunga ng isang malaking proyektong makakatulong sa sektor ng agrikultura.
“Kung nagawa ng SIDC, magagawa din ito ng ibang cooperatives sa bansa. Ating patatagin ang ugnayan ng cooperatives, private sectors, at mga magsasaka. Dahil sa ating pagsasanib-pwersa, nakita natin na posible palang matupad ang ating hangarin na matulungan ang ating kababayan at kaya nating magbigay ng oportunidad sa ating mga magsasaka para maabot ang kanilang pangarap,” aniya.
Samantala, hinikayat naman ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang lahat na muling mamuhunan sa agrikultura upang makatulong sa seguridad ng pagkain sa bansa. Aniya, pinaplano ng DA na magpondo ng mga proyekto tulad ng sa SIDC at nanatiling bukas at handa ang DA sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Kasama rin sa aktibidad si Mio Takada, World Bank Senior Agriculture Economist. Aniya, bukod sa pagpapataas ng produksyon ng mais, makakatulong rin ang proyekto sa pagpapalago ng potensyal ng mga komunidad upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.
“This project will create numerous job opportunities, providing stable employment for many individuals in the region. It will foster a sense of community and collaboration among local farmers, encouraging them to work together and share best practices. This collective effort will lead to the development of a more resilient and sustainable agricultural sector, capable of withstanding challenges and adapting to changing conditions,” ani Takada.
Pinasalamatan naman ni SIDC Chairman Dr. Angelito Bagui ang gobyerno, World Bank, at iba pang mga naging katuwang nila sa proyekto. Nagpapasalamat rin ang Batangas City Corn Growers Association, isa sa mga suppliers ng SIDC dahil malaki ang magiging tulong ng proyektong ito sa kanila. Ani Grace Faraon, pangulo ng samahan, pinaplano na nilang dagdagan ang kanilang mga taniman upang mas marami silang maibentang mais sa SIDC.
Dumalo rin sa aktibidad sina DA Assistant Secretary for Operations and DA-PRDP National Project Director U-Nichols Manalo, DA-PRDP National Deputy Project Director Angelita Martir, Batangas City Mayor Beverley Dimacuha, Batangas 5th District Representative Marvey Mariño, DA Regional Field Office IV – CALABARZON Executive Director Fidel Libao, DA-PRDP Regional Project Coordination Office Regional Project Director Engr. Redelliza Gruezo, SIDC Chief Executive Officer Rico Geron, HG Silos, at Wong Chu King Holdings, Inc.#