Nakatanggap ang Pederasyon ng Nagkakaisang Samahan ng Magsasaka at Mangingisda para sa Kaunlaran ng Bondoc Peninsula mula sa Padre Burgos, Quezon ng apat na pung (40) babaeng kalabaw na nagkakahalaga ng P1.4-M mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA 4A) Livestock Program noong ika-11 ng Agosto.
Pararamihin ng pederasyon ang mga maipapamahaging kalabaw hanggang ang lahat ng miyembro nito ay magkaroon ng nasabing alagang hayop.
Sa ngalan ng pederasyon, pormal na tinanggap ni G. Armando M. Ramos, pangulo nito, ang 40 kalabaw sa Unisan, Quezon mula sa DA-4A Livestock Program sa pangunguna ng coordinator nito na si Dr. Jerome G. Cuasay.
“Malaking tulong na mabigyan kami ng kalabaw. Kahit po kasi may mga makinarya na, hindi pa rin nawawalan ng pakinabang ang kalabaw dahil hindi sa lahat ng oras ay makina ang ginagamit,” ani G. Ramos.
Ayon kay Dr. Cuasay, pagkakalooban din sila ng DA-4A ng isang forage chopper na nagkakahalaga ng P300,000. Magkakaroon din ng oryentasyon sa pagpapalaki at pagpaparami ng kalabaw para sa mga miyembro na idaraos sa ika-15 ng Agosto. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)