Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Mahigit na 40 mga agricultural technician ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON ang dumalo sa “Training on Pest Monitoring and Surveillance for High Value Commercial Crops” sa St. Jude Cooperative Hotel and Event Center, Tayabas City, Quezon noong Hunyo 18 at 19, 2018.
Layunin ng pagsasanay na makapagbigay ng tamang impormasyon ukol sa mga peste at sakit na dumadapo sa mga pananim na nagiging sanhi naman ng pagbaba ng produksyon at pagkalugi ng mga magsasaka; at upang makilala nila ang mga kaibigang kulisap na nakakatulong sa pagpuksa sa mga peste at sakit ng mga pananim.
Sinabi ni Cecille Marie C. Manzanilla, Hepe ng Regional Crop Protection Center (RCPC), na malaking bagay na makapagbigay sila (mga agricultural technician) ng tamang kaalaman, rekomendasyon, at solusyon sa mga magsasaka ukol sa pagpuksa sa mga peste at sakit. Sila anya ay magkakabalikat tungo sa dagliang solusyon sa problemang ito ng mga magsasaka.
Ang mga pagksang tinalakay sa pagsasanay ay ang mga sumusunod: proper field diagnosis; insect pest and disease management; rice diseases (blast, bacterial leaf blight, tungro, sheath blight, rice black bug, rice bug, rice grain bug at stemborer); corn, cacao, coffee, onion, and garlic insect pests and diseases; lanzones’ scale insect; cecid fly on mango; banana pest management; at biological control (trichogramma, earwig, trichoderma, metarhizium, at beauveria).