Pinangunahan ni Dr. Julieta Roa, Head, Extension and Socio-Economic Division ng Philippine Roots Crops (PhilRootCrops) ang “Training on Cassava and Other Root Crops Production, Processing/Utilization and Marketing Towards Food Security” na idinaos sa Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON-Lipa Agricultural Research Experiment Station (DA-RFO IV – LARES) noong ika-12 ng Hulyo sa Lipa City, Batangas.
Ipinaliwanag ni Dr. Roa ang kahalagahan ng lamang ugat sa kalusugan at bilang pangalawang staple food ng bansa. Ibinalita rin niya na ang mga lamang ugat kagaya ng balinghoy, kamote, ubi, palawang gabi at iba pang root crops ay may nakaabang na malaking merkado sa pandaigdigang pamilihan.
Tinalakay din niya kung papaano nila ipinakilala ang mga kakanin na mula sa: Balinghoy (cassava cake, pitsy-pitsy, chippy, espasol at cookies); kamote, (muffins, alak, soy sauce, pickles at Fries); ubi at iba pang kakanin sa local at international food exhibits.
Ito ay dinaluhan ng mahigit 60 mga Corn/Cassava Banner Coordinators, Report Officers ng mga probinsiya at ang mga tauhan ng research stations, at mga piling magsasaka ng Barangay Marauoy ng Lungsod Lipa.
Pinasalamatan naman ni Gng. Avelita Rosales, Hepe ng LARES at kasalukuyang Regional Corn and Cassava Banner Coordinator ang mga dumalo sa pagsasanay lalo na ang kupunan ng PhilRootCrops na nagbigay ng kanilang panahon upang makapagbigay ng mga makabagong kaalaman sa produksyon ng mga halamang lamang ugat at kung papaano ang merkado nito.
Si G. Dioscoro Bolates Jr., Senior Agriculturist ng PhilRootCrops ang nagtalakay ng cultural management practices ng balinghoy at mga iba pang halamang ugat. Samantala, si Arlene Natanauan, naman ng Regional Corn & Cassava Banner Report Officer ang nag-ulat tungkol sa kalagayan ng Mais at Balinghoy sa Rehiyon.
Ang nag-organisa sa mga magsasaka ng Maraouy na dumalo ay si Gng. Luz Acido ng PhilRootCrops na taga-Lipa City. (NRB, DA-RAFIS)