Php1.1-M halaga ng Fuel Subsidy, ipinamahagi sa mga magpapalay ng Lucban, Tayabas, Pagbilao

 

 

Aabot sa Php 1,170,000 halaga ng fuel subsidy para sa 390 magpapalay ng Lucban, Tayabas at Pagbilao, Quezon ang naipamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program noong ika-20 ng Marso 2025 sa Lucban, Quezon.

Ito ay bahagi ng suporta ng programa sa mga magpapalay upang makabawas sa gastos ng produksyon sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Makakatanggap ang bawat kwalipikado at rehistradong magsasaka na may dalawang ektaryang o higit pang sakahan ng tig-tatatlong libong halaga ng fuel subsidy na maaari nilang gamitin para sa kanilang mga makinarya at sasakyan sa sakahan.

Nagpasalamat si G. Joselito Castillo, isang magpapalay ng Tayabas. Aniya, napakalaking tulong nito lalo na at gumagamit siya ng mga makinarya tulad ng hand tractor at grasscutter sa kanyang pagsasaka.

Hiniling naman ni Lucban Municipal Agriculturist Sonia Catchuela sa mga magsasaka na paglaanan lamang ng gasolina ang mga makinarya nila sa palayan. Aniya, ang programa ay tulong upang makabawas ng gastos sa produksyon ng palay, gamitin lamang ito para sa kanilang sakahan.

Samanatala, inaasahan din na makakatanggap ng nabanggit na sabsidiya ang iba pang magpapalay sa iba’t-ibang bayan sa rehiyon. ####