₱3.4-M halaga ng interbensyon, tinanggap ng samahan na may mataas na produksyon ng gulay sa Batangas
Tinanggap ng Batangas City Vegetable Growers Association (BCVGA) ang ₱3,449,488.11 milyong piso na halaga ng Packaging House Facility at Hauling Truck mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP).
Ang BCVGA ay isa sa may pinakamalaking produksyon ng gulay sa rehiyon. Binubuo sila ng 347 miyembro ng mga magsasaka na may lawak na 353.13 ektarya na taniman ng mga gulay, partikular ang kanilang main commodity na talong.
Noong ika-17 ng Hunyo ay isinagawa ang opisyal na Turnover Ceremony ng mga interbensyon kasama ang mga lider ng samahan, mga representante ng lokal na pamahalaan, at Kagawaran sa
ribbon cutting. Kalakip dito ang panata ng samahan sa pag-iingat sa mga interbensyong makatutulong sa pagpapagaan ng kanilang operasyon gaya ng packaging at pagdadala ng mga produkto sa merkado.
Si Leandro Bobadilla, pangulo ng BCVGA, ay malaki ang pasasalamat sa mga inisyatibo ng Kagawaran na sa tulong ng mga suporta ay lumalago pa ang kanilang samahan sa tiwala at pagkakaisa na mapataas pa ang produksyon ng ani at kita. Sa ganitong paraan ay patuloy ang layunin nilang makapagsuplay hindi lamang sa probinsya ng Batangas kundi sa buong rehiyon hanggang sa buong Pilipinas.