Pilot testing ng pag-aabono gamit ang drone sa CALABARZON isinagawa sa Laguna

 

 

Sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Banner Program katuwang ang Agridom Solutions Corporation, isinagawa sa unang pagkakataon ang pag-aabono sa palayan gamit ang drone sa Calauan, Laguna noong ika-30 ng Enero, 2025.

Ito ay bahagi ng pagpapakilala ng mga makabagong inobasyon sa pagpapalay tungo sa mas maunlad at mataas na produksyon. Sa pamamagitan ng drone, napapabilis at napapagaan ang trabaho ng magsasaka di lamang sa pagsusukat kundi pati na rin ang episyenteng pagtatanim, pag-iispray at pag-aabono sa palayan.

Samantala, isinakatuparan ang naturang aktibidad sa pamamagitan ng ipinamahaging Agricultural Drone Assistance voucher na ipinapamahagi ng programa sa mga kwalipikadong magpapalay sa rehiyon.  Maari nila itong gamitin  alinman sa pag-aabono, pagtatanim o pag-iispray ng mga pestisidyo o foliar na abono. Makakatanggap ang kwalipikadong magpapalay ng tig-dadalawang libong halaga ng voucher kada ektaryang palayan.

Ayon kay Ginoong Romhel Latayan, pangulo ng Brgy. Lamot Dos Irrigators Service Association ng Calauan, malaking tulong ang drone upang mapabilis at mapaganda ang sabog ng abono sa kanilang palayan. Inirerekomenda niya ito sa mga magpapalay na may malalaking taniman.