Panibagong pag-aaral ang isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON upang himukin at paigtingin ang kampanya sa rehabilitasyon ng mga matatandang puno ng kakaw ng mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon.
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa noong Hulyo 25, 2019 sa Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES), Tiaong, Quezon na pinangunahan ni Engr. Redelliza A. Gruezo, Officer-In-Charge ng Operations Division at kasalukuyang Regional Coordinator ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng nasabing tanggapan.
Naglalayon ito (Training on Technology Demonstration of Existing Cacao Trees through Rehabilitation) na mahimok ang mga magtatanim ng kakaw para sa rehabilitasyon ng mga matatandang puno na mahina nang mamunga, magkaroon ng cacao demonstration farm, at makapagbigay ng ayuda at iba pang inputs sa mga magsasakang magtataguyod ng programa. Layunin din nito na mapataas ang ani at antas ng pamumuhay ng mga magsasaka ng kakaw at mapaliit ang napakalaking agwat nito sa produksyon at pangangailangan ng mga mamimili sa CALABARZON.
Sa pagbubukas ng palatuntunan, sinabi ni G. Wilmer S. Faylon, kasalukuyang Hepe ng QARES, na, “Mayroon nang mga bagong teknolohiya sa pag-aalaga, pagpapalaki ng ani, at pagpoproseso ng mga bunga ng kakaw. Nakahanda itong ipagkaloob sa sinumang magsasaka kaya makipag-ugnayan lamang sa aming tanggapan.โ
Ang mga dumalo sa pagsasanay ay mga teknisyan mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) lokal na bayan at lalawigan ng Quezon, at mga pinuno at akitibong mga kasapi ng mga samahan ng mga magtatanim ng kakaw sa nasabing lalawigan.
Sila ay tinuruan ni G. Marcial Namoca, Jr., isang cacao doctor, kung papaano pangangasiwaan ang sakit at peste ng kakaw, hands-on training sa pag-pruning ng puno, side at chupon grafting, at pangangasiwa ng tamang kalinisan sa ilalim ng puno ng kakaw.
Ang maghapong pagsasanay ay pinangasiwaan ni Gng. Maria Ana S. Balmes, Regional Cacao Focal Person, at mga kawani ng Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ng Quezon. โ NRB, DA-RAFID