Isinagawa ang pinakauna sa bansa na pagsasabog-tanim ng barayti ng binhi ng palay na Malusog Rice (NSIC 2022 Rc 682GR2E) sa Sitio Mangahan, Nasugbu, Batangas noong ika-9 ng Agosto.
Kaugnay nito, bilang bahagi ng selebrasyon ng National Rice Awareness Month 2023 ay sinuri ang kalagayan ng mga tanim sa pamamagitan ng “Farm Walk” na pinangunahan ng Philippine Rice Research Institute – Los Baños kaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-9 ng Nobyembre.
Ang Malusog Rice ay isang uri bigas na nagtataglay ng beta-carotene na kayang tumugon sa 30-50% bitamina A na kinakailangan ng katawan ng mga bata, mga buntis, at nagpapasusong ina. Isinusulong ang pagpoprodyus at pagkain nito bilang karagdagang solusyon sa Vitamin A Deficiency (VAD) na isa sa mga pangkalusugang suliranin sa bansa.
Ayon kay Gerardo Cabasis na nagmamay-ari at namamahala ng palayan, malakas ang Malusog Rice sa lupang Nasugbu dahil sa kabila ng sunod-sunod na pinagdaanan nitong nagbabagong panahon at smog na dulot ng bulkang taal ay nananatili pa rin itong nakatayo. Aniya, mabilis din itong dumako sa hustong gulang kaya naman maaani na nila ito sa ika-95 na araw matapos itanim.
Samantala, kasalukuyang isinasagawa ang pagpaparami ng binhi ng Malusog Rice at inaasahang mas palalawakin pa ang pamamahagi nito sa iba’t ibang lugar sa bansa kapag dumami na ang suplay nito. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)