Bilang suporta sa adbokasiya ng Department of Agriculture (DA) na paigtingin ang produksyon ng pagkain sa bansa ay isang seminar tungkol sa Soil Health, Nursery Management at Propagation Techniques ang isinagawa ng DA IV-CALABARZON (DA-4A) para sa mga kawani ng Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) noong ika-8 ng Agosto.
Layunin ng aktibidad na paigtingin ang produksyon ng pagkain sa istasyon ng DA-4A sa Lipa sa pamamagitan ng pagsasalin ng kaalaman sa mga kabataang kawani nito (teknikal at maging di-teknikal) tungkol sa pangangalaga ng lupa at pagpaparami ng tanim.
Ibinahagi ni OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Engr. Marcos Aves Sr. ang kahalagahan ng pagiging aktibo sa pakikilahok ng mga kabataan sa usaping agrikultural upang sa paglaon ng panahon ay patuloy na masiguro ang sapat na suplay ng pagkain sa rehiyon.
“Bilang kami ang nasa produksyon ng paghahalaman dito sa LARES, hangad natin na turuan ng mga estratehiya ang bawat empleyado sa larangang ito lalo na ang mga kabataan na s’yang magtuturo rin sa mga susunod pang henerasyon,” ani LARES Superintendent Virgilia Arellano.
Nakibahagi rin sa aktibidad sina Research Division Chief Eda Dimapilis, Agricultural Program Coordinating Officer para sa Batangas Fidel Libao, at iba pang kawani ng DA-4A. #### ( Danica Daluz LARES)