Inaprubahan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Advisory Board (RPAB) Calabarzon ang proyektong Level II Potable Water System sa Majayjay, Laguna. Ito ang unang proyektong isasagawa sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up, ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP, sa rehiyon ng Calabarzon.
Ang proyekto na Rehabilitation and Improvement of Level II Potable Water System in Majayjay, Laguna, ay nagkakahalaga ng Php 90,726,000.00. Ito ay pangungunahan ng lokal na pamahalaan ng Majayjay katuwang ang DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon. Masasakupan nito ang mga sumusunod na barangay: Bakia, Bitaoy, Botocan, Gagalot, Isabang, Piit, Rizal, at Taytay.
Layon ng proyekto na paunlarin at pagaanin ang pamumuhay ng mga residente sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng malapit, maayos, at kalidad na suplay ng tubig para sa pang-araw-araw at sa kanilang pagsasaka.
“Malaki ang maiitulong ng proyektong ito lalong-lalo na sa local agri sector ng Majayjay, particularly vegetable production. Bukod pa dito, makakatulong rin ito sa pag-improve ng health ng mga mamamayan, tourism, at higit lalo ang economic development ng bayan,” ani DA Regional Field Office Calabarzon Director at DA-PRDP RPAB Calabarzon Chairperson Milo delos Reyes.
Kalahok sa aktibidad sina Majayjay Mayor Romeo Amorado, at ang mga sumusunod na kinatawan ng RPAB mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno: Engr. Felicitas Reyes (DPWH-4A), Cynthia Rozaldo (DENR-4A), Flordeliza Maleon (RAFC-4A), Maribeth Ramos (BFAR-4A), John Joseph Vasquez (DILG-4A), at Julieta Tadiosa (DTI-4A).#