Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Fidel Libao at DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Editha Salvosa sa isang pagpupulong ang mga miyembro ng Regional Bantay Presyo Monitoring Team (RBPMT) mula sa mga bayan ng Tanza, Tanay, at Tiaong at lungsod ng Imus, Biñan, San Pablo, Lipa, Batangas, Antipolo, at Lucena; at mga kinatawan ng Philippine Statistics Authority, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Fertilizer Pesticide Authority, noong ika-9 ng Hulyo.
Ang RBPMT ang sumusubaybay at sumisiguradong tama at naangkop ang presyo ng mga pangunahing produkto sa rehiyon.
Layunin ng aktibidad na pagtibayin ang implementasyon ng Bantay Presyon sa pamamagitan nang pagtalakay sa mga signipikong pagbabago at estado ng presyo ng mga pangunahing produkto tulad ng gulay, prutas, karne, isda, bigas at iba pang produktong agrikultural ganun din ang mga kadahilanan ng pagtaas o pagbaba ng mga ito.
Binigyang diin din dito ang mga isyung kinahaharap ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay ng presyo ganun din ang mga posibleng aksyon para dito.
Ayon kay AMAD Assistant Division Chief Justine Marco Vivas, mahalaga na ipagbigay-alam agad ang estado ng presyo at suplay ng mga pangunahing produktong agrikultural lalo na kung may natapos na kalamidad. Aniya, ito ay kinakailangan upang maiparating sa publiko ang mga karapat-dapat na presyo ng kanilang mga bibilhin. Ipinaalala din niya na nararapat na eksakto at sigurado ang mga datos na kinakalap upang maging tama at totoo ang mga ibabahaging impormasyon sa merkado. #### (Lyka Del Mundo, DA-4A RAFIS Intern)