Recirculating Corn Mobile Grain Dryer para sa CALABARZON
“Isa na namang recirculating corn mobile grain dryer para sa CALABARZON ang maaari nang gamitin ng mga taga-Quezon bilang paghahanda sa darating na panahon ng tag-ulan.”
Ito ang pahayag ni Avelita M. Rosales, Coordinator ng Regional Corn Program at kasalukuyang Superintendent ng Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON, matapos itong subukang gamitin o nang magkaroon ng dry run para rito noong Marso 7, 2019 sa Luntian Multi-Purpose Cooperative sa Lalig, Tiaong, Quezon.
Ang mobile grain dryer na nagkakahalaga ng halos 3.5 milyong piso ay ipinagkaloob ng Kagawaran na kayang magpatuyo ng 12 toneladang mais mula apat hanggang anim na oras, depende sa mais na patutuyuin na may 13 porsyentong halumigmig. Ang Luntian Cooperative naman bilang benepisyaryo ng makinarya ang naging bahala sa lugar na pinagtayuan nito at gumastos sa pagpapatayo ng gusali para rito.
Ang All Certified Equipment Trading Corporation ang nanguna sa dry run kasama sina Engr. Triniza Mallari ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED), Agriculturist Ernie Rabusa ng Operations Division, at Emerson Paglinawan ng Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ng Quezon.
Ang Luntian Cooperative ay gumagawa ng feeds, at nagpapaalaga at namimili ng baboy sa mga miyembro nito. Mayroon silang 1,452 miyembro. Sakop ng kanilang operasyon ang buong CALABARZON at namimili sila ng mais buhat sa Ilocos, Pangasinan, at Bicol.
“Ngayon ay matutuwa na ang mga magsasaka na magbebenta ng basang mais sa amin dahil wala nang tatanggi sa kanila ‘di gaya ng dati,” ayon sa Officer-In-Charge, General Manager ng Luntian na si Odeza Aguila. · NRB