Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginanap sa Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) ang Regional Civil Society Organization (CSO) Summit 2023 noong ika-25 hanggang ika-26 ng Setyembre sa Lipa City, Batangas.
Dumalo ang ilan sa mga pinuno at opisyal ng mga samahan ng magsasaka sa rehiyon sa nasabing summit na layuning maiparating ang kahalagahang maging akreditado sa CSO at mahikayat silang magpa-akredit ng kani-kanilang mga samahan.
Ang mga kwalipikadong magpaakredit sa CSO ay mga Organisasyong Sibiko, Kooperatiba o Federation of Cooperatives, Non-Government Organization (NGOs), People’s Organizations (POs), Indigenous Peoples Organizations (IPOs), Alliances/Network/Federation of NGOs/Pos, Non-profit Organizations (NPOs) o Foundations na ang mga aktibidad ay may kinalaman sa agrikultura at pangingisda.
Ang akreditasyon ay magbibigay sa kanila ng akses at oportunidad na maging benepisyaryo ng mga proyekto at programang ipinapatupad ng kagawaran.
Binigyang pagkakataon ang mga katuwang na ahensya ng kagawaran sa rehiyon upang ilahad at ipaliwanag ang mga pangunahing programa at serbisyong hatid nila para sa mga magsasaka gayundin ang mga kaukulang requirements sa pag-avail ng mga ito. Kabilang dito ang Cooperative Development Authority (CDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), Philippine Coconut Authority (PCA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Irrigation Administration (NIA), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at Landbank Lending Center-Batangas. Nagbahagi din ang mga representante mula naman sa mga dibisyon at banner programs ng DA-4A.
Sa pamamagitan ng summit ay nagkaroon ng lugar para sa palitan ng impormasyon at pagbibigay kasagutan sa mga katanungan ng mga kalahok patungkol sa CSO na nagbigay linaw sa mga pamantayan at proseso ng akreditasyon dito.
Samantala, magpapatuloy ang summit sa susunod na linggo kalahok naman ang ilan sa 113 na samahang CSO-accredited na sa rehiyon sa pangagasiwa ng DA-4A CSO- Regional Technical Committee sa pangunguna ni Chairperson Eda Dimapilis at Vice- Chairperson Ma. Ella Cecilia Obligado kasama ang mga miyembro at secretariat nito. ####