Regional Halal Agriculture and Fishery Summit, idinaos
“Bringing Safe and Quality Agricultural Products to CALABARZON Consumers through Halal Certification.”
Ito ang tema ng idinaos na Regional Halal Agriculture and Fishery Summit sa pangunguna ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON noong Nobyembre 14, 2018 sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC), lungsod ng Lipa.
Ito ay dinaluhan ng mahigit 100 stakeholder na binubuo ng mga magsasaka at mangingisda, processors, Muslim communities, mga lokal na pamahalaan, at akademiya.
Ang nasabing summit ay naglalayong ipaalam sa mga nagsipagdalo ang kahalagahan ng Halal sa industriya ng paggawa ng pagkain, kalamangan nito sa merkado at kung paano ito makakatulong sa pagpapaunlad ng negosyo, at ang pagkakaroon ng Halal certification.
Ayon kay Assistant Regional Director for Research and Regulations ng Kagawaran na si Elmer T. Ferry, malaki ang potensyal ng mga produktong Halal sa lokal at pandaigdigang pamilihan. “Mainam ang Halal sapagkat sinusunod nito ang mga pamantayan ng good agricultural practices at good animal husbandry practices. May sinusunod din itong good processing system at fair market value. At sinisiguro nito na ang mga pagkain ay ligtas hanggang sa makarating sa hapag-kainan ng bawat Pilipino,” sinabi niya.
Ipinaliwanag naman ni Sahraman C. Disomimba, Project Development Officer ng Halal Program Management Office (HPMO), ang tungkol sa ilang mga pangunahing konsepto ng Halal.
Nagsagawa rin ng planning workshop para sa mga dumalo na pinangunahan ni Disomimba. Lumabas sa workshop ang ilang punto gaya ng: pagpapatayo ng triple “A” na katayan; pagkakaroon ng tourist spot o itinalagang lugar para sa mga produktong Halal; at ang kahalagahan ng patuloy na pananaliksik tungkol sa mga produktong Halal.
Ang iba pang mga naging tagapagsalita sa maghapong summit ay sina: Abdulgani M. Macatoman, Undersecretary ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI); Dr. Linda M. Lucela ng Kagawaran ng Pagsasaka CALABARZON; Atty. Ayatullah Mastura, Acting Chief of Staff ng Office of the Undersecretary ng DTI; Jasmin C. Hamid, Senior Science Research Specialist ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) IV-A; Nasor Alman Abdul Latif, Hepe ng Operations ng AI Almanah Islamic Investment Bank of the Philippines; at Datubimban Pasacum Pangonotan Jr., Planning Officer ng HPMO.