Sa ngalan ng bisyon tungo sa pagpapaigting ng produksyon ng gulay sa rehiyon, pinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ang Regional Vegetable Industry Council noong ika-18 ng Oktubre sa Organic Agriculture Research and Development Center Conference Room, Lipa City, Batangas.
Binuo ang pulong ng mga miyembro ng Samahan ng Industriya sa Paggugulayan (SIPAG) CALABARZON at mga representante mula sa Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Sa pangunguna ni Regional HVCDP Focal Person Engr. Redelliza Gruezo kasama ang iba pang kawani ng HVCDP, nilayon ng pulong na tingnan ang kasalukuyang kalagayan ng sektor ng paggugulayan sa rehiyon at isaayos ang mga plano o programa ng DA-4A para sa SIPAG CALABARZON.
Ang SIPAG CALABARZON ay binubuo ng mga samahan ng maggugulay sa rehiyon na silang katuwang sa pamamahala sa mga interbensyong ibinababa ng DA-4A para sa mga maggugulay. Ilan sa mga halimbawa ng interbensyon ay ang pagsasagawa ng pagsasanay o demonstrasyon ukol sa mga gawaing pangsaka, pamimigay ng mga butong pananim, pataba, makinarya, at iba pang kagamitan.
Nagpahatid naman ng pasasalamat ang pangulo ng SIPAG CALABARZON na si Zaldy Tanega. Aniya, ang nagpapalakas ng kumpiyansa nilang mga maggugulay sa pagtatrabaho ay ang malaking suporta at tulong ng kagawaran magmula pa noon.
Samantala, para sa patuloy na pagmomonitor at ebalwasyon ng DA-4A HVCDP, tinalakay rin sa aktibidad ang pagsasaayos ng report sa produksyon ng mga maggugulay na isinusumite nila kada-buwan. #### (Β Danica Daluz)