Isinulat ni Amylyn Rey-Castro
Kuha (Mga Larawan) ni Nataniel Bermudez
Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4 CALABARZON ang ika-apat na Regional Organic Agriculture Congress (ROAC) na may temang, “Organic Agriculture Advancing the Local Food Culture Movement in the Philippines” noong Setyembre 28, 2018 sa Batangas Provincial Auditorium, Batangas City.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang organic practitioners, processors, advocates, at maging ng mga lokal na pamahalaan mula sa CALABARZON na umabot sa mahigit 750 katao. Ang Organic Agriculture Program ay naaayon sa Republic Act No. 10068 o ang Organic Agriculture Act of 2010.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin at tiniyak ni Regional Executive Director Arnel V. de Mesa sa mga nagsipagdalo na patuloy ang pagtataguyod, pagpapalaganap, mas pagpapaunlad, at pagsasakatuparan ng Kagawaran ng mga programa at proyekto at kasanayan sa organikong pagsasaka upang mas mapayaman ang lupa at mapataas ang produksyon sa rehiyon, mabawasan ang polusyon at pagkasira ng kalikasan, at pangalagaan ang kalusugan ng lahat.
Kaugnay nito, nagkaroon ng Regional Organic Agriculture Achievers Awards (ROAAA) awarding ceremonies kung saan pinarangalan ang mga sumusunod na indibidwal, asosasyon, pamilya, agricultural extension worker, focal person, munisipalidad, at probinsya bilang mga natatangi dahil sa kanilang dedikasyon, pagtulong, at pagkilos upang itaguyod, palaganapin, paunlarin, at isakatuparan ang organikong pamamaraan ng pagsasaka sa kani-kanilang mga lugar: Alicia A. Valdoria ng Tayabas City – Small Farmer (Individual), Cabriga Family ng Tayabas City – Farming Family, Sto. Tomas Organic Practitioners’ Association (STOPA) – Farmers’ Group, Melanie B. Cortez ng Sto. Tomas – Agricultural Extension Worker, Ofelia O. Malabanan ng Sto. Tomas – Municipal Focal Person, Munisipalidad ng Sto. Tomas – Municipality, Panlalawigang Agrikultor ng Laguna Marlon P. Tobias – Provincial Focal Person, Lalawigan ng Laguna – Province, Munisipalidad ng Kalayaan – Hall of Famer, at Chona D. Bandola ng Pagbilao – Rural Woman. Sila ay pinagkalooban ng mga plake ng pagkilala at karampatang halaga ng pera o ayuda para sa patuloy na pagsasagawa ng mga proyekto at programang may kinalaman sa organikong pagsasaka.
Sa ikalawang bahagi ng programa ay iniulat ni Dir. Lucia A. Campomanes, Regional Organic Agriculture Program Coordinator, ang kalagayan ng pagsasagawa ng mga programa sa organikong pagsasaka sa rehiyon. Tinalakay naman ni Jefferson C. Laruan, miyembro ng National Organic Agriculture Board (NOAB) of Directors at kinatawan ng Small Farmers for Luzon, ang tungkol sa NOAB at mga resolusyon na inihain ng mga stakeholder sa CALABARZON sa ginanap na national organic agriculture congress noong nakaraang taon. At upang matulungang mapabuti ang kalagayan ng organikong pagsasaka sa rehiyon, pinangunahan ni Ruy Valente Polistico, CALABARZON ORganic Exchange (CORE) President, ang pagpapaliwanag kung paano kumikilos ang kanilang samahan at kung anu-ano pa ang kanilang mga balakin lalo na ang pagkakaroon ng tamang edukasyon para sa publiko upang mas maitaguyod ang pagkonsumo ng mga organikong pagkain, mapaigting ang pagtatanim gamit ang organikong pamamaraan, at maipaalam ang mga kabutihang dulot nito.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga punong panlalawigan ng Batangas Hermilando I. Mandanas at ng Laguna Ramil L. Hernandez at nagbigay ng kani-kanilang mensahe, gayundin si Deputy Spokesperson Sec. Harry L. Roque bilang panauhing pandangal.
Naging masigasig na kaagapay sa katuparan ng congress ang Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) na nag-imbita ng iba’t ibang exhibitor (mga magsasakang manininda) upang magtinda ng kani-kanilang mga produktong pang-agrikultura sa nasabing lugar.