Upang masigurong ang mga magsasaka sa rehiyon ay tuluyang makatanggap ng mga suporta at interbensyon, nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng updating at validation ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) noong 6 Setyembre 2022 sa Siniloan, Laguna.

Higit 500 ang natulungang makapag fill-out, update at validate ng kanilang RSBSA forms sa tulong ng mga teknikal na kawani mula sa regional office.

Ayon kay OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas, ang RSBSA ay nagsisilbing batayan ng gobyerno upang masusing maiparating ng ahensya sa mga magsasaka ang mga ayuda na kailangan nila gaya ng tulong-pinansyal na hatid ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).

“Nagpapasalamat kami sa walang sawang suporta ng DA. Nakakatuwa na hindi nauubusan ng mga marurunong at mababait na gumagabay sa amin para makapag-update nitong RSBSA,” ani Lily Almero, magpapalay.

Samantala, patuloy ang paghimok ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan na mas pagtibayin ang sistema sa pagpapatala sa mga magsasaka nang sa gayon ay mapataas pa ang bilang ng mga rehistrado sa RSBSA at marami pa ang maabot ng tulong sa pamamagitan nito. #### (✍🏻Danica Daluz 📸Von Samuel Panghulan)