Aabot sa 180 katutubong magsasaka sa General Nakar, Quezon ang sumailalim sa pagsasanay sa paggawa ng organikong pataba noong 13-16 Setyembre 2022 hatid ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng mga Kababayang Katutubo (4K) at Organic Agriculture programs.
Layunin ng aktibidad na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga katutubong magsasaka mula sa Sitio Masla at Sitio Malatunglan ng Brgy. Sablang, Sitio Tamala, Brgy. San Marcelino at Sitio Maksa ng Brgy. Magsikap, Gen. Nakar, Quezon.
Ilan sa mga natalakay ay tungkol sa teknolohiya ng paggawa at paggamit ng mga biological concoctions sa halip na mga kemikal na pataba sa pagtatanim at paghahalaman. Gamit ang mga nabubulok na prutas, mga dahon katulad ng madre de kakaw at mga materyales na madaling makuha sa kanilang lugar ay nakapaggawa ang mga kalahok ng mga patabang Fermented Plant Juice (FPJ) at Fermented Fruit Juice (FFJ) na maaari na nilang gamitin pagkaraan ng labing-apat na araw.
Ang katulad na pagsasanay ay magpapatuloy pa sa mga susunod na linggo upang talakayin ang iba pang teknolohiya katulad ng sa paghahayupan. Paghahanda rin ito sa mga magsasaka sa wastong pamamahala ng mga interbensyong ibibigay ng ahensya sa kanilang mga samahan. #### (Chieverly Caguitla)