Nagpulong kamakailan ang 41 na Municipal Agricultural Officers (MAOs) at City Agriculturists ng Quezon hingil sa Sure Aid Program ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON noong ika-12 ng Setyembre sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa Pagbilao, Quezon.
Ang SURE Aid Program o Expanded Survival and Recovery Assistance Program para sa mga magsasaka ng palay ay naglalayon na matulungan ang mga magsasaka na naapektuhan sa bilihan ng mababang presyo ng palay nitong taon. Ang mga magsasakang sinasaka ay hindi dapat lalampas sa isang ektarya. Pahihiramin sila sa halagang Php 15,000.00 na walang interest at collateral, at ito ay babayaran ng walong taon.
Ang pagpapatupad ng programa ay pinapangunahan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na ang working arms nito ay ang Regional Offices, katuwang ang LANDBANK at local agricultural offices.
Ipinaliwanag ni Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Rolando Cuasay ng Quezon ang kahalagahan ng papel na gagampanan ng mga MAOs. Isang pakiusap ang inilahad ni APCO Cuasay, “na maibigay agad ang mga schedules ng mga bayan na pupuntahan ng grupo para magkaroon ng oryentasyon at makuha na rin nila kaagad ang mga application forms ng mga magsasaka.”
Ang lalawigan ng Quezon ang siyang may pinakamalaking bilang ng mga magsasakang mabibiyayaan ng programa na umaabot sa 11,000 magsasaka.
Ang iba pang mahahalagang paksang pinag-usapan ay tungkol sa Animal Swine Fever (ASF), Fall Armyworm na lumalaganap na peste ng mais at ang matagumpay na 2019 Niyogyugan Festival sa nasabing lalawigan. ● NRB, DA-RAFIS