Sa pagbubukas ng mas pinalakas na bersyon ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP), ang DA-PRDP Scale-Up, ilan sa mga lokal na pamahalaan sa Calabarzon ang nagpakita ng interes na magmungkahi ng mga proyektong pang-agrikultura at isdaan tulad na lamang ng bayan ng Tagkawayan sa Quezon at Bacoor sa Cavite.
Layunin ng DA-PRDP Scale-Up na paunlarin ang sektor ng agrikultura at isdaan sa pamamagitan ng pagpondo ng mga proyektong magsasaayos, magpapabilis, at magpapalawak ng daloy at bentahan ng mga produktong agrikultural at isda sa komunidad. Upang makasabay ang sektor sa modernong panahon at mapanatili ang pag-unlad nito, mas pinagtibay at pinalawak ang proseso sa DA-PRDP Scale-Up gamit ang mga makabagong tools at mas malalim na pagtingin sa iba’t-ibang aspeto ng agrikultura at isdaan tulad ng climate change at clustering at consolidation.
Upang magabayan ang mga lokal na pamahalaan sa pagsulong ng kanilang mga ninanais na proyekto, nagsagawa ang DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A) ng mga pagpupulong kasama ang mga LGUs upang ipakilala ang DA-PRDP Scale-Up at ang mga proseso at pamantayan nito. Ilan sa mga tinalakay ay ang proseso ng pagpaplano (I-PLAN), mga proyektong pang-negosyo (I-REAP), mga proyektong pang-imprastraktura (I-BUILD), social and environmental safeguards, geomapping and governance, at monitoring and evaluation. Pinag-usapan rin kung anu-anong mga potensyal na proyekto ang maaaring imungkahi ng mga LGU sa DA-PRDP Scale-Up.
Batay sa pagpupulong, isang slaughterhouse ang potensyal na maging proyekto sa Bacoor. Samantala, nais namang imungkahi ng Tagkawayan LGU ang mga sumusunod, ice plant, cold storage, fish processing facility, at rice complex. Anila, patuloy nilang pag-aaralan ang kanilang mga pinaplanong proyekto upang masigurado ang tuloy-tuloy na benepisyo ng mga ito sa mamamayan kung sakaling mapondohan sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.
Patuloy na nagsasagawa ang DA-PRDP 4A ng mga naturang oryentasyon sa mga lokal na pamahalaan upang mas marami pang proyekyo ang mailatag at maisagawa sa rehiyon.
Para sa mga interesadong LGUs o farmers cooperatives and associations, bumisita lamang sa opisina ng DA-PRDP 4A sa Department of Agriculture Regional Field Office Calabarzon, Lipa Agricultural Research and Experiment Station sa Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas o magpadala ng e-mail sa prdprpco4a@gmail.com.#