“Batay sa pamantayan ng National Convergence Initiative, pasok ang Tayak Adventure Nature and Wildlife o TANAW de Rizal Park ng Rizal, Laguna para gawing pilot area ng Regional Convergence Initiative ng CALABARZON.”
Ito ang naging pahayag ni Dir. Lucia A. Campomanes, Regional Coordinator ng Organic Agriculture Program ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON at tumatayong head ng Regional Convergence Initiative–Technical Working Group (RCI-TWG), nang magpulong ang grupo noong Hulyo 2, 2019 sa tanggapan ng Kagawaran sa Diliman, Quezon City.
Sinabi rin ni Dir. Campomanes na dito gaganapin ang susunod na pagpupulong ng grupo sa Agosto at magiging tampok nilang usapin kasabay ng pagsusuri rito.
Layunin ng convergence initiative na itaguyod ang kaunlaran sa mga kinikilala nitong pilot area; tiyakin ang patuloy na pag-unlad sa mga kanayunan sa pamamagitan ng pagsasaka at pangingisda; siguraduhin ang kasapatan sa pagkain at reporma sa lupa; at protektahan ang mga pinagkukunan ng tubig, mga kagubatan, at iba pang likas-yaman, at biodiversity ng mga ito.
Naging tampok din sa kanilang pagpupulong ang mga pag-uulat tungkol sa Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa Real, Quezon; mga nagawa ng Balik-Probinsya Program; at mga aktibidad ng grupo.
Ang RCI sa CALABARZON ay binubuo ng Kagawaran ng Pagsasaka, Kagawaran ng Repormang Pansakahan, Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, at Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman. • NRB, DA-RAFIS