Tatlong ahensya sa ilalim ng Kagawaran ng Pagsasaka ang nagtulong-tulong upang talakayin at konsultahin ang mga Local Government Units (LGUs) tungkol sa pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka na naapektuhan dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay sa CALABARZON. Nangyari ito noong ika-13 ng Setyembre 2019 sa Tanza, Cavite.
Ang talakayan ay pinangunahan ni Regional Executive Director Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV, kasama si Direktor Cristina Lopez ng Agricultural Credit and Policy Council (ACPC), at ang mga Managers ng National Food Authority (NFA) sa CALABARZON.
Dito ay pinasalamatan ni RED de Mesa ang mga Provincial Agriculturists (PA), Municipal Agricultural Officers (MAOs) at mga Agricultural Extension Workers at LGUs na dumalo.
Kaniyang ipinaliwanag ang tatlong bagay na mahigpit na binabantayan ng tanggapan. Una, ay ang pagbaba ng presyo ng palay at ayuda para sa mga magsasakang naapektuhan; pangalawa, hindi pagkalat ng African Swine Fever (ASF); at ang pangatlo ay ang pagpuksa sa peste na Fall Armyworm sa mais.
Napapanahon naman na tinalakay nina Regional Technical Director Dennis R. Arpia para sa Operations at Extensions, ang General Safeguard Measures para sa mga importasyon ng bigas buhat sa ibang bansa na nakasaad sa GSG CASE No. SGO1-2019 dahil sa pagtupad ng rice tarrification law; at ang NFA Managers na tumalakay din sa Status Procurement Guidelines ng dry at wet Palay.
Si Director Lopez ng ACPC ang nagpaliwanag nang mabuti ng tungkol sa Expanded Survival and Recovery Assistance Program (SURE Aide). Ang tulong pangpinansyal na nagkakahalaga ng Php 15,000.00 para sa mga magsasaka na naapektuhan sa bilihan ng mababang presyo ng palay nitong taon.
Base sa talaan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) o Juan Magsasaka na ibinahagi ng Kagawaran (CO), ang bilang ng mga magsasaka sa bawat lalawigan na mabibiyayaan sa nasabing programa ay: 968 para sa lalawigan ng Cavite; 11,000 naman sa lalawigan ng Quezon; 312 para sa lalawigan ng Laguna; 1,496 sa Batangas; at 224 sa lalawigan ng Rizal.
Nag-ulat naman si Bb. Cecille Marie Manzanilla ng tungkol sa kalagayan ng Fall Armyworm sa rehiyon — kung saan ito nanggaling, paano nakakarating sa bansa at sa rehiyon, at kung ano ang ginagawang hakbang para masugpo ito sa rehiyon. ● NRB, DA-RAFIS